2000

Ito ay isang sapa, Ngunit ito ay napakalapad na ilog Ng lahat ng aking damdaming natutulog At tahimik na rumaragasa sa aking loob.

Ito ay isang burol, Ngunit ito ay bundok na napakatayog Ng lahat ng aking hangaring nadudurog At nagiging bato dahil sa pagkakulob.

Tuwing lalakad, Ito ang mga dapat kong tawirin. At sa tuwing darating, Nagbubuhos sila ng karagatan ng hinanakit Laban sa kanilang mga amo at panginoon. Isinasalaysay nila kung paano pumasan Ng mga kabundukan ng pasakit.

Sa halip na malunod o mapagod Ay natututo akong pumailanlang. Sa halip na magkimkim, Iwinawaksi nila ang pagtitiis Habang kami'y magkakapiling. Kami ang daluyong na makapagpapatag Sa mga Sierra Madre at Banahaw. Ngayong iisa na ang aming damdamin at hangarin: Ako ay sila; sila ay kami; at tayo— Balang araw, ay mag-aabot din ng tanaw.