2009 (Alay sa mga bilanggong pulitikal)
Nais kong kalimutan: Ang kapirasong tanawing tinatapyas-tapyas ng rehas. Ang paghalukipkip sa halumigmig. Ang rasyon ng itlog at kaning lamig. Ang amoy sa damit ng amag at tagiptip. Ang palagiang pagtitig sa inaagiw na atip.
Ipaalala mo sana: Na lagpas sa kisame ay may bubong, At sa ibabaw ng bubong ay may araw Na nagbibigay ng liwanag sa lahat, Sila ma'y tinaguriang malaya o gaya kong nakakakulong.
Ipaalala mo sana ang init at sariwang hangin, Na hinahagip-hagip ng bagwis ng lawin, Sa abot-tanaw na kapatagan at maging sa lalim ng bangin. Kung gabi'y alitaptap ang mga dampang atin nang narating, Samantalang ang ibayo ay mga bituin, Mula sa ating moog na hindi kayang saklawin, Ng distansya o oras. Pagkat ito'y agwat at sandali na humuhulagpos, Mula sa hindi mapipigil na pag-inog at pagkilos.
Ipaalala mo sana na walang sulok ang daigdig, Ipaalala mo sana ang alab ng ating pag-ibig-- Na sumusunog sa ating balat, Habang binubungkal natin ang lupa, Upang pagbabago ay maipunla. Alab ito na sa atin ay gabay, Sa ating pagsisikhay at paglalakbay. Kahit tayo'y sinusupil nilang pilit, Ang alab na ito ay di nila mapipiit.
Sa buryong ng apat na sulok, At pangangalay ng batok, Ipaalala mo sana ang pananabik, Na sa piling ng masa ay makabalik.