2000

  1. Enero, sa baryo.

    Sumisikip na raw ang mundo at pinag-uugnay tayo ng mga kable. Ngunit napakalawak pa rin ng nayon at wala tayong komunikasyon. Mula sa isang baryo tungo sa isa pa, kailangang tayain ang oras at isugal ang buhay. Kailangan kong magbilang ng mga hakbang habang pumipintig ang mga patlang na nasa ating pagitan.

    Oo't may rumaragasang ilog-- at wala akong tulay patungo sa puso mong natutulog.

    Oo't may harang na kabundukan sa silangan at kanluran-- at ni hindi mo matunton ang kaliwa at ang kanan.

  2. Marso, anibersaryo.

    Kailangan ko itong itala sa palara. Madalas akong maubusan ng tinta. Sinasanay ko ang aking pagdodrowing. Nakukuha ko na ang pitik ng kanilang dila.

    Marami na akong nauunawaang kwento. Ganito pala ang pagdadawis ng tabako. Madalas kung sumakit itong likod ko. Masayang-masaya ako at ako ay nandito.

  3. Mayo, may engkwentro

    Wala tayong ugnayan, at nag-aalala ka ngayon. Wala ako sa tula o sa naiwang kataga, o kahit sa mga salita na nawalan na ng bisa. Wala sa papel, wala sa baril. Wala sa iyong hangarin, wala sa damdamin. Hindi totoong ako'y bihag ng mga berdugo't salarin. Narito ako sa piling ng aking pagkiling, at alam kong alam mo kung saan ako hahanapin.