mula sa Aklat Likhaan ng Tula at Maikling Kuwento 1997

"Religion is...

the opium of the people."

I. Isang lunok ng kaluluwa Ang gumuhit sa aking kaibuturan Nang basbasan ako ng hamog Isang madaling araw Na hindi ko makalimutan. Tangan mo ang iyong relihiyon, At ako, ang walang muwang Mong pagano, ay tila Inurungan ng dila At tinakasan ng katwiran: Walang irit, walang ngawa. Ni wala kang narinig sa akin Na kahit konting halaga.

II. Marami akong nais mahawakan At mga abstraktong nais kapain. Ang aking pagtanggap Sa iyong simbahan Ay sadya, dikta ng diwa At matagal nang naisin. Isang lunok at lahat Ay naunawaan ko: Walang pag-aatubili, Balutin mo akong muli Sa iyong kabanalan. Ang totoo, ako'y disipulo Na habambuhay naghintay Na ako'y mabinyagan.