Nang matuklasan ng isang Aleman Ang labis na halaga, Ay nakalkula na rin Ang lahat-lahat na. Halaga ng tao Halaga ng lupa Halaga ng tula Halaga ng digma Kung sa loob pa lamang Ng tatlong minutong trabaho Ay nalilikha na ng manggagawa Ang buong araw niyang suweldo, Ang tantos ng pagsasamantala Ay ilang porsyento? Ay, ang labis na halaga — O pagpapahalaga — Sa superganansya’t supertubo! Binibilang ko ang mga bagay Na mahalaga sa akin: Bubong, saplot, araw-araw na kakanin. Binibilang ko ang araw At ako’y napapailing: Bawat minuto, Kinikita ng mga kumpanya ng langis Ang katumbas ng walong oras kong pawis. Bakit ba napakahalaga Ng paghahangad ng labis, Kung ang labis-labis, Ang katumbas ay krisis? Tinatantya ko kung kailan:
Pansamantala lamang ba ang pagsasamantala? Anu-ano ang mga pagkakataong Dapat nating samantalahin? Natuklasan din ng Aleman Na ang manggagawa ay walang bansa, At kanilang pakikibaka Ay walang baybayin. Kaya’t kinakalkula ko muna, Samantala, kung ano ang mahalaga Para sa araw-araw nating gawain. At kung gaano kahalaga, Mga kasama, ang pagkakaisa sa atin.