(Bulatlat.com, Nov. 27, 2015)

kanina lang, tumama sa haligi ng kubo ang punglo, na gusto nilang ilibing sa kanyang bungo. at ngayon, ang bisita ay naka-plasta sa kanilang bangko, ipinagtimpla ng kape, inalok ng sigarilyo, at hinayaang maligo sa mapagpakumbabang banyo, para maging presko ang pakiramdam habang inuusisa, ng kanilang mga bibig at mata, mata at bibig, maghapon, magdamag, ng tanong at titig.

sa mapagmalaking tinig, pinanghihinayangan nila ang buhay ng bisita. buhay, na kanina lang ay gusto nilang kitlin. “bakit mo ito inaaksaya sa mga walang kakwenta-kuwentang bagay?” tulad ng rebolusyon, sabi nila, may halong awa, pakutya, kahit sa tuwing bibigkasin nila ang salitang iyon, may laway sa kanilang lalamunan na hindi nila malulon. nag-iisip sila nang matagal, na para bang abot ng kanilang kakayahan ang malalim na pagmumuni. “bakit hindi ka mag-asawa ng sundalo?” ang mahusay nilang payo. at sa puntong iyon, masyado nang mausok. kinakabagan na ang bisita sa Hope na inaalok.

nang pinalisan na ang bisita, pinisil nila ang kanyang kamay at yinugyog ang kanyang braso. ipinabaon nila ang pag-aalala at mahuhusay na payo, sa malulungkot na mata at sa isang ngiting-aso. sa isang ngiting katulad ng sa askal na nakita ng bisita na nagkakalkal ng galis sa ilalim ng mesa sa kampo.